43

Nov 22, 2021 @ 14:35
By

Paglabas ng tsikiting hahatulan sa Huwebes – DOH

Nakatakda umanong pag-usapan ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa Huwebes ang panuntunang susundin pagdating sa pagpapalabas ng mga bata, partikular ang mga edad 11 pababa na walang bakuna.

Ito ang ibinahagi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire ngayong Lunes. Aniya, kinausap na ng ahensya ang mga opisyal sa Metro Manila tungkol sa pagpapatupad ng isang kautusan hinggil sa pagpapalabas ng mga tsikiting.

“Napag-usapan na ho namin ito with the Metropolitan Manila Development Authority and the local governments of Metro Manila. And ang pinupunto nga po natin dahil sa Alert Level 2, dahil sa mga basehan natin na napag-aralan ng eksperto, maaari naman pong lumabas ang mga bata,” wika ni Vergeire sa panayam ng TeleRadyo.

“Pero kailangan we are focused on the objective kaya natin pinapalabas ang mga bata — to exercise, to get sunlight, and doing their acts with other children but not in crowded areas,” aniya.

“So, ito po ay pag-uusapan ulit sa IATF this Thursday at titignan po natin what the recommendations will be,” dugtong pa nito.

Matatandaang umingay ang usapin tungkol sa pagpapalabas ng mga edad 11 pababa matapos may isang dalawang taong gulang na bata ang nagpositibo umano sa COVID pagbisita nito sa isang mall.

Sinubukan naman umano ng DOH na matagpuan ang bata ngunit nabigo sila, dahil ang doktor na nag-post ng pangyayari sa social media ay binura na ang kanyang post. (mjd)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?