59

By

Paglabas ng narco list bago ang eleksyon, ok sa Palasyo

Suportado ng Malacañang ang hirit ni Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Eduardo Año na ilabas ang narco list bago ang midterm elections sa Mayo.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nakikita nila ang punto ni Secretary Año na dapat mapabatid sa publiko para magkaroon ng matalinong pagpili ang mga botante sa darating na eleksiyon.

Naglabas na rin aniya noon si Pangulong Rodrigo Duterte ng narco list kaya walang dahilan para hindi ito ilabas ng mga awtoridad.

“Eh di ba si Presidente naglabas na din noon, so it goes without saying kung si Presidente mismo naglabas. As far as the secretary of DILG is concerned, there is a need to provide people with information para magkaroon sila ng intelligent choice,’ ani Panelo.

May agam-agam naman ang ilang grupo sa nais mangyari ni Año dahil baka mapabilang sa narco list pati ang mga kandidatong wala namang kinalaman sa iligal na droga.

Pero iginiit ni Panelo na hindi naman maglalabas ng listahan ang Phililppine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) kung wala silang batayan.

“O eh kung inilabas na niya noon bakit niya kokontrahin? Yung presumption of innocence will apply dun sa mga dinedemanda. Pero kung from the point of view of the PNP, eh nahuli ka talaga,” dagdag pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?