24

Jul 17, 2021 @ 14:18

Paglabas ng mga bata namumurong mapurnada sa Delta variant

Pag-aaralan ng Department of Health (DOH) kung irerekomendang bawiin o panatilihin ang pagpayag sa mga batang edad 5 pataas na makalabas na sa mga pampublikong lugar.

Sa harap na rin ito ng naitalang local transmission ng Delta COVID variant sa bansa sa kabila ng mahigpit na border control ng mga ahensiya ng gobyerno.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na pag-aaralan ng ng mga eksperto at imomonitor ang sitwasyon para makagawa ng rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force kung anumang mainam para sa mga bata.

“Kailangan po natin pag-aralan because there is another factor that has to be considered kung saan naka-detect tayo ng Delta variant,” ani Vergeire.

Pero ipinaliwanag ng opisyal na kapag nagdedesisyon ang gobyerno ay may kakabit na safeguards ito para hindi makompromiso ang kaligtasan ng mga Pilipino.

Mahalagang sundin aniya ang mga ipinatutupad na pag-iingat para makasiguro ng kaligtasan laban sa bagsik ng COVID-19.

“Pero kapag tayo ay nagkakaroon ng easing of restrictions, there are safeguards in place. So kailangan lang talaga let us all follow the safety protocol so that we can be protected,” dagdag ni Vergeire.

Maglalabas ng mga panuntunan at polisiya ang mga lokal na pamahalaan para magsilbing gabay sa paglabas ng mga bata sa mga parke at sa mga lugar na maaaring puntahan ng mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?