11

Aug 2, 2021 @ 18:54
By

Paglaban sa COVID gawing ‘proactive’ – eksperto

Ipinanawagan ng isang eksperto sa mga awtoridad ang pagsasagawa ng proactive health measures bilang tugon sa mabilis na pagkalat ng Delta Variant sa bansa.

Ipinahayag ni Dr. Leonard Javier sa programang Balitaan at Kumustahan ng Abante Radyo Tabloidista na hindi umano sapat ang pagsasailalim ng mga komunidad sa lockdown dahil ito ay pansamantalang paraan lamang upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Kinuwestyon niya ang kawalan di umano sa pondo ng pamahalaan upang magsagawa ng malawakang testing.

“How come? Walang pondo for testing pero meron for touch up ng dolomite, meron for dagdag na military pension,” ani Javier.

Kinakailangan aniyang tugunan ang kakulangan ng pagsasagawa ng proactive health measures gaya ng pagkakaroon ng libreng testing at pagpapagamot, pagpapataas ng bilang ng mga nabakunahan, maayos na contact tracing at quarantine, pagbibigay ng ayuda, at pagpapataas ng kapasidad ng mga ospital.

Ayon sa Our World in Data, 7.84 milyon pa lamang ang fully vaccinated sa bansa. Ang bilang na ito ay 7.2% lamang ng populasyon ng Pilipinas. 750 na kaso naman ang natetest para sa genomic sequencing kada linggo.

Hinimok din ng eksperto ang pamahalaan na iwasan na ang pagpapatupad sa mga hindi gumaganang measures gaya na lamang ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) nang walang binibigay na ayuda sa mamamayan, pagpapatuloy ng mga walang kwentang proyekto gaya ng Dolomite Sand sa Manila Bay, at pagpapatupad ng mga checkpoints.

“Ilagay natin yung priority sa nakararami at magising dun sa proactive na health measures na kailangan natin,” pagwawakas niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?