32
supreme-court-sc-001
Jan 4, 2018 @ 12:37
By

Pagkuwestiyon sa TRAIN sa SC, OK lang sa Palasyo

Malaya ang sinuman na kuwestiyunin sa Korte Suprema ang bagong ipinatupad na tax measure ng gobyerno partikukar ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN.

Inihayag ito ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar kasunod ng plano ng Makabayan bloc congressmen na kuwestiyunin sa Kataas-taasang Hukuman ang bagong pagbubuwis.

Ayon kay Andanar, malaya ang grupo ni Congressman Carlos Zarate na idulog sa korte ang kanilang pagtutol sa TRAIN dahil kasama ito sa proseso ng isang bansang may demokrasya.

Malinaw naman aniya ang layunin ng TRAIN, at ito ay para makalikom ng pondo para tustusan ang mga nakalinyang proyekto ng gobyerno at pondohan ang mga pangunahing serbisyo para sa sambayanan.

“Karapatan naman iyan ni Congressman Zarate, kasama naman sa procedure iyan, kasama sa sistema na puwedeng idulog sa Korte Suprema kung merong mga kuwestiyon,” ani Andanar.

Batay sa pagtaya ng Department of Finance, mahigit P80 bilyon ang malilikom na buwis at dito kukunin ang panggastos sa libreng edukasyon sa state universities and colleges, pati na rin sa Build, Build, Build program at mga programang pangkalusugan ng gobyerno. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?