42

Dec 14, 2017 @ 13:26
By

Pagkuwestiyon sa ML extension sa SC, mababasura lang ulit – Roque

Kumpiyansa ang Malacañang na mababasura lang ang mga isasampang pagkuwestiyon sa korte sa pinalawig na martial law sa Mindanao.

Sa harap na rin ito ng mga pagtutol at pagpuna ng mga kritiko sa naging resulta ng botohan sa joint session ng Kongreso kung saan nanaig ang boto ng mayorya para sa isang taong extension ng batas militar.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, na maaaring dumulog sa Korte Suprema ang mga kontra sa panibagong martial law extension pero tiwala siyang mababasura lamang ito tulad ng dalawang naunang desisyon.

“Puwede naman po silang dumulog sa Korte Suprema. Pero gaya ng dalawang desisyon na ng Kataas-taasang Hukuman, naniniwala po ako na lahat ng sangay ng gobyerno pati hudikatura ay nagkakaisa at nakikita nila na talagang mayroon tayong kalaban ngayon, at iyan nga iyong mga dayuhang terorista,” ang pahayag ni Roque.

Kaugnay naman sa pangambang posibleng pang-aabuso sa human rights, sinabi ng tagapagsalita, na halos pitong buwan nang umiiral ang martial law sa Mindanao at wala namang nakakalap na ulat na may matinding paglabag sa human rights dahil patuloy na umiiral ang Bill of Rights.

“Hindi po gaya nu’ng martial law noong panahon ng Presidente Marcos — bukas ang Kongreso, bukas ang pamahalaan at patuloy na umiiral ang Bill of Rights, so wala po dapat na ikabahala ang taumbayan,” dagdag pa ni Roque.

Matatandaang kinuwestiyon ng ilang oposisyong mambabatas sa Korte Suprema ang unang martial law extension na matatapos sa katapusan ng buwan subalit ibinasura ng mga mahistrado ang petisyon ng mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?