42

Oct 20, 2017 @ 14:49

Pagkuha ng import, export permits, padadaliin — DOF

Pasisimulan na ng Department of Finance (DOF) sa darating na Disyembre ang pagpapadali ng proseso sa pagkuha ng import at export permits para sa bigas at ilan pang produkto.

Sinabi ni Finance Usec. Gil Beltran, ang ilulunsad na TradeNet.gov.ph ang magsisilbi na ring national single window ng bansa na maaari nang gamitin ng mga negosyante sa pag-apply sa pagkuha ng import at export permits.

Aniya, ang bagong sistema ay para muna sa bigas, asukal, used motor vehicles, chemicals, frozen meat, medicines at cured tobacco.

Paliwanag ni Beltran, ang naturang mga produkto ang kalahati sa total trade volume ng bansa.

“The initial deployment will allow traders to use the system for the first seven commodities that represent fifty percent of the total trade volume of the Philippines,” sabi ni Beltran.

Sinabi nito na ang sistema ay magiging inter-connected pagdating din ng Disyembre sa ASEAN Single Window, na gagamitin naman para mapabilis ang pagbibigay ng clearance sa mga kargamento at para sa ‘economic integration’ ng 10 bansang miyembro ng ASEAN.

Banggit pa ni Beltran, may 16 na ahensya ang magiging inter-connected para sa TradeNet kabilang dito ang Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs, Food and Drugs Administration, National Meat Inspection Service at Fair Trade and Enforcement Bureau. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?