54

Oct 23, 2017 @ 13:03

Pagkompronta sa testigo sa impeachment, giit ni Sereno

Naghain na ng mosyon ang kampo ni Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa House committee on justice para igiit ang hiling na ma-cross examine ng mga abogado nito ang mga testigong ihaharap sa impeachment hearing.

Dalawang beses nang sumulat ang mga abogado ni Sereno kay Justice Committee Chairman Reynaldo Umali pero hindi inaksiyunan ng komite kaya ginawa na itong mosyon.

Binigyang-diin ni Atty. Josa Deinla, tagapagsalita ni Sereno, na ginagarantiyahan ng Saligang Batas ang inilalabang karapatan ng Punong Mahistrado na katawanin ng abogado sa legal na proseso.

Ayon kay Deinla, kung kahandaan at kakayahan ang pag-uusapan ay hindi matatawaran ang husay ng Chief Justice bilang abogado pero hindi naman nito kailangang personal na komprontahin ang mga saksi.

“Kayang-kaya niya walang kuwestiyon doon but, kagaya nga ng sinasabi ko sa ilalim ng ating Konstitusyon, lahat ng mamamayan ay may karapatan na depensahan ang sarili through counsel,” sabi ni Deinla.

Sakaling ibasura ng komite ang mosyon, sinabi ni Deinla na may mga opsiyon silang pinag-iisipan.

Pero magiging maingat daw sila kung aakyat sa Korte Suprema dahil kailangang timbangin kung maaaring magdulot ito ng constitutional crisis sa pagitan ng dalawang sangay ng gobyerno.

“Meron tayong kailangang isipin na mga concerns, ‘yung considerations sa ilalim ng Konstitusyon. Kailangang pag-aralang maigi, suriin kung ito ba ay makaka-generate ng constitutional crisis, meron bang violations [sa] separation of powers, disrespect sa mga proceedings ng co-equal branch ng gobyerno,” ayon kay Deinla (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?