187

Dec 27, 2017 @ 12:32

Pagkawala ni Ica, hindi gawa-gawa lang – Policarpio family

Nagpaabot ng kanilang pasasalamat ang pamilya Policarpio sa publiko na tumulong para maibalik sa kanila ang 17-anyos na si Patricia ‘Ica’ Policarpio na naglaho matapos lumabas ng isang coffee shop sa Muntinlupa City at natagpuan sa Laguna, isang araw bago mag-Pasko.

Ayon kay Southern Police District Director Chief Supt. Tomas Apolinario, nakita ng mga tauhan ng San Pablo City police si Ica sa kanilang pag-iikot sa lungsod.

Sa pamamagitan ng Facebook, nagpasalamat ang kapatid ni Ica na si Bea sa mga tumulong na mag-share ng kanyang post para matunton ang kanyang kapatid.

“I (Bea) would like to deeply thank each and every one of you who have helped us bring my sister Ica home. Though we have not met so many of you, through your prayers, posts, and messages, we have really felt your love and concern for our family in the time of our greatest need. If it were not for all of you who saw and shared our posts, I have no doubt that Ica would still be missing or worse,” sabi nito sa post.

Nilinaw din nito na hindi gawa-gawa lang o kalokohan ang pagkawala ng kanyang kapatid noong Disyembre 21 dahil umano sa matinding pighati.

“Her disappearance was not a prank. My sister Ica disappeared from home last Thursday night, December 21, out of deep emotional distress. The reasons for her distress are numerous and honestly, private,” dagdag pa nito.

Kasalukuyan na umanong isinasailalim sa medical evaluation ang kanyang kapatid para maintindihan nilang pamilya ang pinagmumulan ng pighating nararamdaman nito.

Siniguro rin nito ang suporta ng buo niyang pamilya para kay Ica at ginagawa nila ang lahat para mabigyan ng atensiyong medikal ang kapatid.

Hiniling nito na sana’y huwag hatulan ang kanyang kapatid dahil bata pa ito at gusto nilang protektahan ito.

Kung mayroon man umanong positibong nagawa ang pagkawala ng kanyang kapatid ay ang kamalayan hinggil sa mental health at sa lumalaking kultura ng galit sa cyberspace kung saan dapat pairalin ang pagmamahal sa kapwa.

Nagpaabot na rin ito ng pasasalamat sa mga kagawad at pulisya na iniligtas ang kanyang kapatid na natagpuang umiiyak at wala sa sarili sa isang karinderya sa tapat ng sementeryo bandang alas-sais ng umaga noong Disyembre 24 sa Barangay IIB, San Pablo City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?