56
magdalo-gary-alejano
By

Pagkaubos ng NFA Rice

Sharing is caring!

Hindi na nakapagtataka na nagkakaubusan ng NFA rice dahil ang National Food Authority (NFA) ay hindi naman namimili ng palay sa mga magsasaka natin.

Sa mga impormasyong nakarating sa atin, ang NFA ay hindi dumideretso sa mga magsasaka para mamili ng palay. Ang resulta, sa mga rice traders naibebenta ang mga ani dahil sila mismo ang pumupunta sa bukid.

Kung mamili man ang NFA ng palay, aabot lang ng P17 per kilo (dried) samantalang ang mga rice traders, binibili ang ani ng mga magsasaka ng P18 hanggang P18.50 na hindi dried o bagong ani pa lamang.

Binibili din ng mga rice traders ng P20 hanggang P22 per kilo ang mga dried palay na malayong malayo sa presyo ng NFA. Masisisi ba ang mga magsasaka na sa mga middlemen magbenta ng kanilang ani?

Ang mga palay na hawak ng mga rice traders ay hindi maaasahang magbenta ng mas murang presyo o kasing mura ng NFA rice dahil nagiging commercial rice ito paglabas ng kanilang rice mills.

Hindi niyo ba napapansin na tanging ang NFA rice ang nauubos samantalang ang mga conmercial rice ay hindi nauubos ang supply? Dahil hindi bumibili ang NFA ng palay sa mga magsasaka ng mas mahal kaysa sa mga rice traders.

Mayroong P7 billion budget ang NFA. Pwede itong magamit para bilhin sa makatarungang presyo ang mga ani ng mga magsasaka pero ginagamit ito para mag-import ng bigas sa ibang bansa.

Ang lumalabas ngayon, magsasaka sa Vietnam at Thailand ang natutulungan ng gobyerno imbes na mga Pilipinong magsasaka. Mula pa sa ibang bansa ang karaniwang pinanggagalingan ng mga inimport ng NFA habang ang mga private rice traders naman ang nakikinabang sa ating mga magsasaka.

Malaking halaga ang hawak ng NFA para matulungan sana ang mga magsasaka natin na mapataas ang kanilang kita pero dahil walang ayuda ang gobyerno natin sa kanila, marami sa kanila ang kumakalas na sa bukid.

Mahal pa rin ang mga binhi at patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga abono at hindi lahat ng mga magsasaka ay nakakagamit ng irigasyon. Kinakailangan nilang gumastos ng krudo para matubigan lang ang kanilang pananim sa pamamagitan ng deep well. Lalong problemado ang mga magsasaka dahil sa pagmahal ng presyo ng diesel na ginagamit sa pang-araro at patubig sa kanilang bukid. Ang inaasahan nilang kita ay nababawasan pa.

At dahil walang puhunan ang mga karaniwang magsasaka, kumakapit sila sa mga rice traders na handang magpautang sa kondisyon na sa kanila ibebenta ang kanilang ani.

Kahit inoobliga na ang mga bangko na maglaan ng pondo para maipautang sa mga magsasaka ay hindi kinakagat dahil maraming prosesong pinagdadaanan taliwas sa mga rice traders na diretso na.

Ito ang sistema ng pagsasaka dito sa atin at ang sitwasyon na kinakaharap ng ating mga magsasaka.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?