54

Dec 18, 2017 @ 18:26
By

Pagkaso sa nagbenta ng mga bala sa Maguindanao massacre, kinatigan

Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang resolusyon ng Department of Justice (DOJ) na kasuhan sa korte ang apat na opisyal ng isang kumpanya ng baril na umano’y iligal na nagbenta ng mga bala sa mga otoridad na ginamit umano sa nangyaring Maguindanao massacre noong Nobyembre 2009.

Sa desisyon ng CA Special 17th Division, ibinasura nito ang apela na inihain ng mga opisyal ng Arms Corporation of the Philippines o Armscor na sina Victor Karunungan, Eduardo Santos, Lyn Demartin Justo at Melva Valdez Libao na kumukuwestiyon sa resolusyon ng DOJ na may petsang May 13, 2011 at October 11, 2013 na nagsasabing may probable cause para sila ay litisin sa korte para sa reklamong paglabag sa Presidential Decree 1866 o batas laban sa iligal na kalakaran ng baril, bala at pampasabog.

“Far from such knee-jerk reactions, we simply relayed that, as a general rule, if the information is legally efficacious on its face, and there is no showing of manifest error, nor wanton exercise of the faculty conferred upon the public prosecutor, courts should not dismiss it for want of evidence because fact-discovery and evidence presentation may still unfold at the appropriate forum,” ang nakasaad sa desisyon ng CA na isinulat ni Associate Justice Eduardo Peralta Jr.

Batay sa rekord ng kaso, nadiskubre na ilan sa mga baril na umano’y ginamit ng mga salarin sa pagpatay sa 58 katao sa Bayan ng Ampatuan sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009 ay pagmamay-ari ng Philippine National Police.

Ayon sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group, ang mga bala ay natunton na mula sa Armscor sa pamamagitan ng kanilang mga lot number.

Pero tinukoy ng PNP-Firearms and Explosives Division na hindi ito nag-isyu ng permit para sa pagbili ng mga bala para sa mga pulis sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kaya lumalabas na ang biniling mga bala mula sa Armscor ay iligal.

Ang transaksyon ay nagkakahalaga ng P20 milyon para sa isang milyong rounds ng mga bala. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?