203

Apr 23, 2021 @ 18:06
By

Pagkamatay ng lolo, sinisi sa pantry: UP official sinuka ng mga netizen

Samu’t saring mura at pasaring ang natanggap ni Teddy Herbosa, executive vice president ng University of the Philippines, matapos nitong sabihin na ‘death by community pantry’ ang nangyaring pagkamatay ng isang lolo habang nakapila para sa ayudang pinamamahagi ni Angel Locsin.

Sa tweet ni Herbosa, sinabi nito na mali ang ginawang birthday pantry ni Locsin dahil sa pagdagsa ng tao sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City lalo’t may banta pa ng COVID-19.

Tila nagpatama din ito sa Kapamilya actress na sinabing, “Fake kindness is hate disguised as good.”

Kinagalit ito ng ilang netizen, kabilang na ang beteranang mamamahayag na si Inday Espina Varona.

Ayon sa journalist, ‘ignorant’ ang sinabi ni Herbosa tungkol sa community pantry at dinagdag pang kahihiyan ang UP official bilang medical professional.

“A doctor claiming “death by community pantry” is being deliberately ignorant. Shameful for a medical professional. People keel over anytime, anywhere. Herbosa is just trying to divert attention from the failures of the Duterte regime,” saad ni Varona.

Binanatan din ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun ang naturang tweet ni Herbosa, na medical adviser din para sa National Task Force Against COVID-19, at sinabing hindi puwedeng ’cause of death’ ang community pantry.

Ilan pang netizen ang nanggalaiti kay Herbosa at kinukuwestiyon kung bakit may posisyon ito sa UP.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?