284

Oct 20, 2017 @ 17:57

Pagkamatay ng lady golf caddie, misteryoso pa rin

Palaisipan pa rin sa pamilya ang sinapit na maagang kamatayan ng isang 19-anyos na babaeng golf caddie matapos umanong mahulog sa cart at mabagok ang ulo sa Valley Golf and Country Club sa Antipolo, Rizal.

Apat na araw nang nakaburol sa kanilang bahay sa San Jose, Antipolo ang biktimang si Princess Jen Parilla matapos iuwing bangkay na pinaglalamayan na ngayon ngunit wala pa ring kalutasan ang sanhi ng kamatayan ng biktima.

Hustisya ang hiling ng ina ng biktima na si Emma Parilla dahil hindi niya matanggap ang sinapit ng anak nang makita niya itong puno ng pasa at sugat sa buong katawan.

Hinala ng pamilya ng biktima na ginahasa ito dahil kung ibabase umano sa incident report ng kanyang pinagtatrabahuang Valley Golf and Country Club na kung saan ay mahigit isang buwan pa lamang itong nagtatrabaho ay nabagok daw ang ulo ng biktima makaraang mahulog sa cart habang nagsisilbi sa isang miyembro ng golf club.

Hindi rin naniniwala ang asawa ng biktima na si Jimboy Afable, dahil agad umano itong pumunta sa pagamutan at nakita ang sitwasyon ng asawa na tadtad ng pasa sa katawan.

Nauna rito, nagsabi umano ang biktima sa kanya na may matandang player ang nagkakagusto sa kanya na tila binubuyo pa siya ng dalawang kasama sa trabaho na tinatawag niyang master caddie at pinilit umanong papasukin sa trabaho noong Martes ng umaga.

Kaugnay nito, hinihintay pa ng Antipolo Police ang resulta ng scene of the crime operatives (SOCO) report upang malaman ang tunay na sanhi ng krimen.

Habang inihahanda naman ng pamilya ng biktima ang kasong rape at homicide dahil hindi sila sang-ayon sa sinapit ng menor de edad na biktima.

Sa kabila nito, hindi naman isinasantabi ng pulisya ang kaso ng pagkamatay ng biktima dahil maging sila ay naghihintay pa rin ng resulta ng soco reports. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?