27

Oct 5, 2021 @ 16:04

Pagkalkal ng COA sa Red Cross umandar na

Umusad na ang pagkalkal ng Commission on Audit (COA) sa Philippine Red Cross para i-audit ang mga tinanggap na pondo mula sa gobyerno simula noong 2016.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinakilos na ni COA Chairman Michael Aguinaldo ang kanyang mga tauhan para magsumite ng kanilang audit findings kaugnay sa mga tinanggap ng Philippine Red Cross simula January 2016 hanggang September 2021.

Naglabas aniya ng memorandum si Aguinaldo noong September 23, 2021 kung saan inatasan ang lahat ng sektor heads, directors at Officer-in-Charge ng COA Central at Regional offices na isumite sa Fraud Audit Office Special Services ang kanilang audit findings sa Philippine Red Cross.

“I am pleased to learn about the prompt response of COA Chairman Michael Aguinaldo to our call to audit the Philippine Red Cross,” anang Pangulo.

Pinapurihan ng Presidente ang COA Chairman dahil sa maagap na pagtugon sa panawagan nito na i-audit ang Philippine Red Cross.

Unang inihayag ni Senador Richard Gordon na hindi maaaring i-audit ang Philippine Red Cross dahil isa itong pribadong organisasyon at hindi maaaring pakialaman ng gobyerno.

Pero iginiit ni Pangulong Duterte na pondo ng gobyerno ang perang ibinibigay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Red Cross kaya marapat lamang na malaman kung saan ginamit ang pondo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?