28

Sep 13, 2021 @ 12:25
By

Pagkalat ng fake news lalong lumala – Go

Nagbabala si Senador Christopher “Bong” Go sa publiko na huwag magpabiktima sa fake news at iba pang mga maling impormasyon lalo na’t papalapit na ang eleksiyon.

“Inaasahan ko na yan ngayong papunta na tayo sa eleksyon. Walang katapusang kasinungalingan at pagpapakalat ng fake news na naman mula sa mga grupong walang ginawa kundi manira ng kapwa. Wala pong katotohanan lahat yan,” sabi ni Go.

“Asahan niyo na lang kung may lalabas pa na ganyang litrato, tsismis, o haka-haka, puro na yan fake news. Ano pa ba mai-expect natin sa kalaban na walang magandang maipagmamalaki kaya pilit na nanghihila ng kapwa pababa para sila ang umangat,” dagdag nito.

Kasabay nito, nanawagan ang senador na maging mapagmantyag at kumpimrasyon ang mga impormasyon na ipinapakalat sa iba’t ibang communication channel para hindi mabiktima ng black propaganda. 

“Hayaan na lang natin ang taumbayan na ang humusga kung sino ang tunay na nagtatrabaho, sino ang nagmamalasakit, at sino ang talagang nagseserbisyo sa bayan,” ayon kay Go.

“Hindi niyo na po maloloko ang mga Pilipino. Alam ng mga tao kung sino ang mga naninira lamang — yung mga gustong pinturahan kami ng itim at dumihan ang pangalan namin ni Pangulong Duterte para sila ang magmukhang malinis at maputi,” saad pa nito.

Hindi na aniya nakapagtataka kung may darating mga paninira sa gobyerno sa darating ng mga araw.

“Hindi na ako mabibigla kung meron pang mga magkakalat ng kasinungalingan. I-expect na natin yan na sa mga susunod na mga araw ay isang katutak na paninira na naman ang lalabas,” diin ni Go.

“Palibhasa yan naman ang nakagawian nila noon na istilo ng pamumulitika. Huwag niyo po kaming isama sa kalokohan ninyo dahil kami po ni Pangulong Duterte at ang buong administrasyon na ito ay patuloy na magseserbisyo sa kapwa namin Pilipino. Hindi po namin sasayangin ang oras namin sa inyo,”  sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?