icc
By

Pagkalas ng PHL sa ICC, ipinawawalang-bisa ng opposition senators sa SC

Sharing is caring!

Dumulog na sa Korte Suprema ang anim na senador mula sa hanay ng oposisyon para hilinging ideklara na walang bisa ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute of the International Criminal Court (ICC).

Sa 17-pahinang petisyon, iginiit nina Senador Francis Pangilinan, Franklin Drilon, Paolo Benigno “Bam” Aquino, Leila de Lima, Risa Hontiveros at Antonio Trillanes IV na walang bisa ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC dahil wala itong pagsang-ayon ng two-thirds na miyembro ng Senado.

Naniniwala ang mga petitioner na nakagawa ng pagmamalabis ang Executive Department nang lumiham ang ating gobyerno sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs at Office of the President kay United Nations Secretary General Antonio Guterres para ipaalam ang desisyon ng Pilipinas na kumalas na sa ICC.

Giit ng mga mambabatas, dahil ang Rome Statute na nagtatag sa ICC ay isang tratado na dumaan sa ratipikasyon ng Kongreso, ito ay maituturing na batas na ipinasa ng sangay ng lehislatura kaya kung babawiin ng Pilipinas ang pagsali sa ICC, ito ay mangangailangan din ng partisipasyon ng Kongreso.

Alinsunod na rin umano ito sa itinatakda ng Article VII, Section 21 ng 1987 Constitution.

Dagdag pa ng mga petitioner, walang kapangyarihan ang ehekutibo na magpawalang-bisa ng batas dahil ang mandato lamang nito ay magpatupad ng batas.

Dahil dito, nais nilang atasan ng Korte Suprema ang Executive Department sa pamamagitan ng DFA at Philippine Permanent Mission to the United Nations na kanselahin ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC.

Nag-ugat ang pasya ni Pangulong Duterte na kumalas ang Pilipinas sa ICC makaraang ianunsiyo ng isa sa mga court prosecutor noong Pebrero ng taong ito na sinimulan na ang preliminary examination sa reklamong crimes against humanity na inihain laban sa kanya ng ilan niyang mga kritiko dahil sa madugong drug war sa Pilipinas.

Sa ilalim ng ICC rules, ang pagkalas sa ICC ay magkakabisa lamang sa loob ng isang taon matapos na matanggap ng UN Secretary General ang notification mula sa isang bansang miyembro nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?