73
PDEA
Jan 11, 2018 @ 15:16
By

Pagkadawit ng Indian nationals sa droga, iniimbestigahan na

Kasunod ng pagkakaaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa tatlong Indian national, iniimbestigahan na ng Bureau of Immigration (BI) ang ulat hinggil sa pagkakasangkot umano ng ilang Indian sa kalakaran ng iligal na droga.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, inatasan na niya si Atty. Sherwin Pascua, BI intelligence division chief, na magpadala ng mga operatiba ng BI sa mga probinsiya kung saan may mga naarestong Indian dahil sa iligal na droga.

“We are alarmed over these reports of Indians allegedly engaged in the illegal drug business. Aliens engaged in such nefarious activities should be apprehended and punished for violating our laws,” saad ni Morente.

Bilang pagtalima naman sa kautusan ni Morente, agad na nagtungo ang mga operatiba ng BI sa Iloilo para magsagawa ng follow-up operation kaugnay sa pagkakaaresto ng PDEA sa tatlong Indian.

Nabatid na ang tatlong Indian na kinilalang sina Amandeep Tangri, Joginder Pal Tangri at Tehal Singh ay iligal nang nananatili sa bansa dahil matagal nang nag-expire ang kanilang visa.

Kaugnay nito, mahaharap ang tatlong dayuhan sa paglabag sa Immigration Laws, pero sakaling sila ay mahatulang guilty sa kaso kaugnay sa iligal na droga, hindi muna sila ipade-deport hanggang hindi nila nabubuno ang sentensya laban sa kanila.

Nadiskubre rin sa pinagsanib na operasyon ng BI, Criminal Investigation and Detection Group at Region 7 Police, na isang Indian na nagngangalang Parmjeet Singh ang ipinade-deport ng BI matapos maharap sa kasong fraud at misrepresentation.

Ang 30 iba pang Indian na target din ng operasyon ay pinakawalan naman matapos makapagprisinta ng valid visa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?