571

Dec 30, 2017 @ 13:47
By

Pagiging makabayan ni Rizal, dapat pagnilayan – Duterte

Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sambayanan na pagnilayan ang pagkamakabayan ng pambansang bayani na si Gat Jose Rizal.

Pinangunahan ng Pangulo kaninang umaga ang paggunita sa ika-121 anibersaryo ng kamatayan ni Rizal sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa kanyang monumento sa Rizal Park sa lungsod ng Maynila kasama ang mga natitirang kamag-anak ni Rizal.

Sa kanyang mensahe, hinimok ni Pangulong Duterte ang publiko na ito ang tamang panahon para kilalanin ang naging sakripisyo at naiambag ni Rizal at isaisip ang pagmamahal nito sa bansa at gawin itong inspirasyon sa patuloy na pagsusumikap na makamit ang pagkakaisa, mapayapa at masaganang Pilipinas.

“May we take this occasion as an opportunity to recognize Dr. Rizal’s ultimate sacrifice for the sake of our country. Let us reflect on his patriotism as we strive to continue his work of building a more united, peaceful and prosperous Philippines,” ang pahayag ng Pangulo.

Kabilang sa mga dumalo sa maagang seremonya sa Luneta ay sina Vice President Leni Robredo, Manila Mayor Joseph Estrada at ilang mga miyembro ng gabinete.

Pinuri rin ng Pangulo ang mga matapang na isinulat ni Rizal laban sa katiwalian at pang-aabuso noong panahon ng mga Kastila na naging mitsa para masentensiyahan ito ng kamatayan.

Ayon pa sa Pangulo, nawa’y magsilbing tanglaw ito at maging gabay sa pagkamit ng tunay na kalayaan at pagkapantay-pantay sa lipunan. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?