87

By

Pagiging epektibo ng war on drugs kinuwestiyon ni Robredo

Nagbigay pahayag si Vice President Leni Robredo sa naganap na pagkamatay ng isang 3-anyos na batang babae sa isang drug buy-bust operation sa Rizal.

Sa kaniyang weekly radio show na BISErbisyong LENI ay sinabi ni Robredo na hindi dapat na sinasabing normal lamang ang mga ganitong insidente sa police operations.

“Hindi puwedeng sabihin na ‘Talagang nangyayari iyan’, kasi kapag inaayos naman natin iyong kampanya, hindi naman dapat nangyayari iyan,” saad ni Robredo.

“Medyo nakakagalit iyong reaksyon na ‘talagang nangyayari’. Parang, ano ba…. parang isa lang sa statistics. Parang numero lang, talagang nangyayari. Hindi nakikita iyong mukha, iyong dalamhati, iyong pamilyang naiiwan,” pahayag ni Robredo sa pagdepensa ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa mga pulis at sa pagsasabing “shit happens” sa mga police operation.

Dahil sa nangyari ay kinuwestiyong muli ni Robredo ang effectiveness ng digmaan kontra droga ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Alam natin iyong problema sa droga, nandiyan pa din. In fact, iyong report mismo ng pamahalaan, lalo pang dumami: lalo pang dumami iyong supply ng droga, lalo pang dumami iyong mga nalululong. So ang gustong sabihin, iyong pamamaraan na ginagamit, hindi epektibo. Kailan ba tayo magigising?” aniya.

Napatay ang 3-anyos na si Myka Ulpina sa engkwentro ng mga suspek sa pagtutulak ng droga at ng mga opisyal ng pulis sa Rodriguez, Rizal.

Ayon sa kapulisan, ginawang human shield ang bata ng ama nito laban sa mga pulis.

Samantala, pinabulaanan naman ng ina ni Ulpina ang sinabi ng mga pulis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?