213

By

Paghamon ni Duterte sa US, France, UK kantiyaw lang – Panelo

Nangangantiyaw lang umano si Pangulong Rodrigo Duterte sa ginawa nitong panghahamon sa Amerika, France at Great Britain para samahan siyang bawiin ang Spratly Islands mula sa China.

Ito ang paliwanag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa naging pahayag ng Pangulo sa anibersaryo ng Presidential Security Group kung saan hinamon nito ang tatlong bansa.

Sinabi ni Panelo na masyado kasing maraming nagsasalita sa ngayon kung kailan nakapagtatag na ang China ng mga istruktura sa mga pinag-aagawang teritoryo samantalang kaya naman sanang ipatigil ito ng mga malalakas na bansa noong nagsisimula pa lamang.

“Sa akin, ang tingin ko doon nangangantiyaw siya. ‘Masyado kayong maraming sinasabi ngayon, samantalang noon kaya ninyong i-stop-in’, iyon ang punto ni Presidente roon,” ani Panelo.

Partikular na tinukoy ng Pangulo ang Amerika na aniya ay walang ginawa para pigilan o sawatain ang China at hinayaang maitayo ang mga istruktura sa South China Sea.

May intelligence na aniya noon pa ang Amerika kung ano ang ginagawa ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo pero nanahimik lang ito at ang Pilipinas ang gustong gawing pain sa China para magkagulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?