121
Guillermo Eleazar
Jul 3, 2019 @ 16:32
By

Paghalughog sa mga locker, bag ng estudyante, hinirit ng pulisya

Hinirit ng pulisya sa mga opisyal ng paaralan sa Metro Manila ang regular na inspeksyon sa mga kagamitan ng mga estudyante bilang bahagi ng kanilang paglaban sa paglaganap ng iligal na droga.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major Gen. Guillermo Eleazar, sa mga paaralan nagsisimula ang barkadahan sa pagitan ng mga estudyante na kalimitan ay humahantong sa pagkakaroon ng mga bisyo.

“Hindi natin nilalahat na may bisyo ang lahat ng barkadahan pero bilang pangalawang magulang sa mga paaralan, tungkulin ng mga guro at school authorities na bantayan ang kanilang mga kilos,” ani Eleazar.

Hindi naman aniya paglabag sa karapatang pantao ang pagsusuri sa mga locker at bag ng estudyante kundi pag-iingat sakaling nagsisimula na ang mga itong tumikim ng bisyo.

“Prevention is alway the best, ariin natin silang mga anak natin at ingatang masangkot sa bisyo tulad ng iligal na droga, bakit sila matatakot na halughugin ang kanilang gamit kung walang silang itinatago?” paliwanag pa ng opisyal.

Tinukoy pa niya ang ilang insidente kung saan ay may mga estudyanteng nahuli habang nag-iingat ng marijuana sa kanilang mga gamit sa loob mismo ng kanilang mga paaralan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?