262

Oct 15, 2017 @ 14:05

Paghahanda sa November ASEAN Summit itinodo na

Pinaplantsa na lang ng mga senior official ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang paghahanda para sa isasagawang summit sa Nobyembre dito sa bansa.

Sa pangunguna ni Foreign Affairs Usec. Enrique Manalo, nagkaroon na ng serye ng mga pagpupulong sa hanay ng mga senior official kaugnay sa mga dokumentong ilalatag sa ASEAN Plus Three (APT) at East Asia Summits (EAS).

Unang binusisi ng mga opisyal ang pagpapatupad ng naging rekomendasyon ng East Asia Vision Group (EAVG) II sa usapin ng good governance, rule of law, human rights, community building; public health service; water management; people-to- people connectivity; at poverty alleviation.

Bahagi na ng plano ang pagkakasundo ng EAS leaders para isagawa ang mga nakapaloob sa Statement on Food Security na kinilalang isa sa mga mahahalagang isyu sa rehiyon at kaakibat na nito ang usapin ukol sa climate change, overpopulation, land degradation, at kalikasan.

Kabilang din sa mga dokumentong susuriin ang Manila Plan of Action na magtatapos ngayong taon at aaksiyunan ng mga miyembro ng ASEAN gayundin ng walong East Asia partners na Australia, China, India, Japan, New Zealand, Republic of Korea, Russian Federation at Estados Unidos. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?