56

Sep 12, 2021 @ 18:33
By

Paghahanap ng kapalit ng tocilizumab pinamamadali

Pinamamadali ni House Deputy Speaker at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera sa Department of Health (DOH) ang paghahanap ng maaaring maging kapalit ng gamot na tocilizumab para sa mga pasyenteng may COVID-19.

Ayon kay Herrera, kailangan ay magkaroon ng pamalit sa tocilizumab na ngayon ay kulang na kulang ang suplay.

“Time is of the essence. We cannot afford to lose more of our kababayans to COVID-19. We need more alternative treatments to the virus that has already infected over 2.1 million and claimed the lives of more than 34,000 people in the country,” sabi ni Herrera.

Ang tocilizumab, na may brand name na Actemra ay produkto ng Roche. Ito ay isa sa iilang gamot na nakapagpapabuti umano sa kalagayan ng pasyenteng may COVID-19.

Nanawagan din si Herrera sa Department of Trade and Industry (DTI) at law enforcement agency na hulihin ang mga indibidwal na nagsasamantala at ibinebenta ang tocilizumab sa mataas na presyo.

Ayon sa mga ulat, may mga indibidwal na nagbebenta ng tocilizumab sa halagang P50,000 hanggang P100,000 kada vial malayo sa P13,000 hanggang P25,000 na presyong itinakda ng gobyerno.

Nagkaroon ng kakulangan sa tocilizumab bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa buong mundo bunsod ng Delta variant.

Maaari umanong tumagal ang kakapusan ng suplay hanggang Disyembre.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?