241

Sep 15, 2021 @ 21:38
By

Paggiba ng Senado kay Duterte kinontra sa Kamara

Inamin ng chairperson ng House Committee on Good Government and Public Accountability na ipinatawag nito ang pagdinig upang kontrahin ang ginagawang paggiba ng Senado kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pagdinig ngayong Miyerkoles, sinabi ni DIWA Rep. Michael Edgar Aglipay na inimbitahan nito si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva upang liwanagin kung mayroong koneksyon si Michael Yang sa illegal drug trade.

Si Yang ay dating economic adviser ni Duterte na iniuugnay din sa Pharmally Pharmaceutical Corp.

Ang Pharmally ay iniimbestigahan dahil sa mahal umano ang ibinenta nitong face mask at personal protective equipment sa gobyerno noong 2020.

Tinanong ni Aglipay si Villanueva: “Si Presidente ba ay connected sa drugs dahil diyan kay Michael Yang?”

Sinabi naman ni Villanueva na wala silang rekord na mayroong koneksyon si Yang sa bentahan ng iligal na droga.

“Walang Michael Yang Mr. Chair. Kasi kung si Michael Yang is connected sa drugs eh talagang matagal na naming hinanting yan Mr. Chair,” sabi ni Villanueva.

Nagpasalamat si Aglipay sa klaripikasyon ni Villanueva.

“Kasi nalulungkot lang ako, lahat na lang — hearing dapat tungkol sa DOH, DBM, napunta tayo sa drugs. Kaya nga I had to resort and invite you to counter what the Senate is doing to destroy our President,” sabi ni Aglipay.

Sinabi rin ni Aglipay na inilagay niya ang isyu ng droga sa other matters ng agenda ng komite “to rebut their (Senate) theory.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?