345

Jul 19, 2019 @ 14:52
By

Paggamit ng single-use plastic, ipagbabawal na

Para mapigilan ang polusyon sa bansa, inihain sa Senado ang isang panukalang na magbabawal sa single-use plastics.

Sa Senate Bill No. 333 o Single-Use Plastic Product Regulation Act of 2019 na inihain ni Senador Cynthia Villar, nais nitong i-regulate ang manufacturing, importation at paggamit ng single-use plastic products.

Sabi ng senadora, mahalaga ang pagsasabatas ng panukalang ito dahil sa pag-aaral na sa buong mundo, ang Pilipinas ang pangatlong pinakamalaking producer ng plastic wastes na napupunta sa karagatan.

Sa ilalim ng panukala, pagbabawalan ang food establishments, stores, markets at retailers na magbigay ng single-use plastics.

Hihimukan din ang mga consumer na gumamit ng reusable materials samantalang ang mga manufacturer ay dapat na mangolekta, mag-recycle at itapon ang single-use plastics. Hindi na rin papayagan ang importasyon ng single-use plastics.

Pagmumultahin naman ng P10,000 -100,000 at suspensyon o pagpapawalang-bisa sa business permit ang mga business enterprise, micro, small at medium enterprises na lalabag sa batas.

Samantala, pagmumultahin naman ng P100,000 hanggang P1 milyon o sususpindihin o pawawalang bisa ang business permit ng VAT-registered enterprises, establishments at tindahan at lahat ng plastic manufacturers na may paglabag.

Bukod diyan, magtatag rin ng Special Fund for Single-use Plastic Regulation na bubuuin ng collected tariffs, levies at fees.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?