518

Dec 18, 2017 @ 13:42
By

Paggamit ng savings para sa dengue vaccine, salig sa Konstitusyon – Lacson

Kinontra ni Senador Panfilo Lacson ang paratang na tiwali ang pagpapagamit ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa savings ng gobyerno para ipambili noong nakaraang taon ng bakuna laban sa dengue.

Ayon kay Lacson, na vice chairman ng Senate committee on finance at kilalang mahigpit sa pambansang badyet, pinapayagan ng Konstitusyon ang ganitong paraan ng paggamit sa savings ng mga ahensya ng gobyerno.

Maaari umanong isalin o iliipat ng pinuno ng isang sangay ng ahensya ang savings tungo sa ibang programa basta’t deklarado ang savings at nakapaloob ang programa sa General Appropriations Act (GAA) o pambansang budget.

Tinukoy niya ang Article 6, Section 25, paragraph 5 ng Konstitusyon na nagsasaad na ang Pangulo, Pangulo ng Senado, House Speaker, Chief Justice ng Korte Suprema at mga pinuno ng mga constitutional commission ay maaaring magsalin ng savings basta’t deklarado ang savings at ang pagsasalinan ay nasa loob ng kanilang nasasakupan o nasa kanilang opisina at nasa loob ng GAA.

“Yes, it is allowed under Article 6, Section 25, paragraph 5 of the 1987 Constitution. As long as the amount involved has been declared as savings, the President as well as the Senate President, Speaker, Chief Justice and heads of the constitutional commissions may be authorize to augment any item in the GAA as long as said realignment is done within their respective offices. The question however is, if there is an item under the DOH budget, to be augmented by the P3.5 savings in the 2015 GAA,” ani Lacson.

“Not necessarily dengue vaccine mismo ang item. Puwede naming simply vaccines or any similar preventive medicine,” dagdag ng senador.

Sa bakuna kontra dengue na Dengvaxia, kinumpirma ni dating Pangulong Benigno Aquino III na ginamit nila ang government savings.

Bahagi ito diumano ng immunization program ng gobyerno.

Ayon kay Lacson, kung nakapaloob iyon sa programa ng Department of Health (DOH), kahit hindi partikular na nakalista ang dengue vaccination sa programa, walang mali sa paglilipat ng pondo.

Batay sa impormasyon, P3.5 bilyon ang ipinambili ng Dengvaxia sa Sanofi Pasteur. Kasama ito sa P23 bilyon mula sa savings na ipinalabas ni Aquino noong Disyembre 29, 2015 para gamitin sa buong immunization program ng DOH.

“If that was the case, vaccination could be an item from savings. I don’t see anything irregular as far as realignment or augmentation is concerned,” sabi ni Lacson. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?