95

Dec 18, 2017 @ 17:32
By

Paggamit ng biometrics, sinimulan na ng BI sa int’l airports

Kasabay ng pagdagsa ng mga bibiyahe ngayong Kapaskuhan, sinimulan na ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpapatupad ng biometrics sa mga international airport kabilang na ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang nasabing sistema ay bahagi ng modernisasyon para matunton at mapigilan ang pagpasok sa bansa ng mga undesirable alien.

Sinabi ni Morente na dalawang linggo nang ipinatutupad ng BI ang bagong software na tinatawag na border control information system (BCIS) sa pagproseso ng lahat ng mga international passenger na papasok at paalis ng Pilipinas.

Bukod sa mas mabilis umano ang proseso sa mga immigration counter, nagagamit din ang bagong sistema sa pagtunton ng mga undesirable alien.

“A major feature of this new system is that aside from speeding up the processing time for passengers, it is also capable of detecting attempts by undesirable aliens, such as wanted fugitives and terrorists, to enter the country even if they come in as impostors or in disguise,” saad ni Morente.

Ang BCIS ay ginagamitan ng camera at finger scan device at ang resulta ay awtomatikong inihahambing sa litratong nasa pasaporte at sa BI database para matukoy kung ang isang pasahero ay mayroong negatibong rekord sa kawanihan.

Sinabi naman ni BI port operations division chief Marc Red Marinas na konektado rin ang BCIS sa database ng Interpol at ng Australian immigration department.

“With this system the use of fraudulent travel documents and disguising one’s physical appearance will soon become inutile,” paliwanag ni Marinas.

Nauna nang dumaan sa pilot-testing ang BCIS sa mga international airport sa mga probinsya partikular na sa Mactan-Cebu, Clark, Kalibo, Davao at Laoag. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?