218

Dec 2, 2019 @ 20:52
By

Pagdukot sa Pasay, Parañaque fake news – PNP

Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y siyam na insidente ng pagdukot sa Pasay at Parañaque City na kumakalat sa social media at wala umanong dapat ikabahala ang mamamayang Pilipino dahil fake news umano ang mga ito.

“Nais po natin pabulaanan ang mga kumakalat na fake news na ito at wala pa pong basehan at hindi ito validated, subalit kung mayroon mang ganitong insidente ay mangyayari na dumulog agad sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang maimbestigahan at para magkaroon ng basis ang information,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brig. Gen. Bernard Banac sa panayam sa Camp Crame.

Sa ngayon ayon kay Banac, mayroon lang isang validated na kidnapping case sa Pasay at ito ay nakunan pa ng CCTV subalit ang iba ay wala naman umanong matibay na ebidensya ng pagkidnap sa mga ito.

“May mga report na mga missing person, pero walang validated na kidnapping, baka po mga naglayas o kaya ay nagtanan, maliban lang sa isang kaso kung saan nakuhanan ng CCTV ang ginawang pagdukot,” dagdag ni Banac.

Sa ngayon ay mayroon ng binuong Special Investigation Task Group ang Pasay City na siyang tututok sa mga insidente ng mga nawawalang bata habang nagmo-monitor naman ang cyber patrol ng Anti-Cybercrime Group sa lahat ng communication at social media upang matunton kung saan nanggagaling ang mga pekeng online news na naka-post sa Facebook at maaring masampahan sila ng kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?