16
waterrr
By

Pagdinig sa taas-singil ng Maynilad, Manila Water umarangkada na

Sharing is caring!

Nagsimula ngayong araw ang public consultation kaugnay sa petisyong taas-singil ng Manila Water at Maynilad.

Pinangunahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS ang public consultation para sa dagdag-singil sa tubig ng naturang dalawang water companies.

Nauna nang inanunsiyo ng Manila Water na nais nilang magpatupad ng dagdag-singil na P8.30 per cubic meter, habang ang Maynilad ay P12.00 per cubic meter ang target na rate hike.

Kabilang sa mga dumalo sa konsultasyon ang ilang cause-oriented at consumer groups.

Paliwanag ng MWSS, layunin ng public hearing na mailatag ang mga proyekto ng Manila Water at Maynilad at maipaintindi sa stakeholders ang aaprubahang rate ng dalawang water concessionaires.

Sa hearing, kinuwestiyon ni Renato Reyes ng grupong Bayan ang water rate hike ng Manila Water at Maynilad lalo’t malaki naman aniya ang kita ng dalawang kumpanya.

Ayon kay Reyes, aabot sa P6.5 billion ang net income ng Manila Water noong 2017, samantalang P7.4 billion ang net income ng Maynilad.

Maging si dating Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares ay umalma sa pagtaas sa singil sa tubig.

Pangamba nito, baka may ipasang halaga sa mga konsumer ang water concessionaires o tinatawag na “pass-on” at sa bandang huli ay dehado pa rin ang mga mamamayan dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?