14

Feb 1, 2021 @ 17:32
By

Pagdinig sa Department of Filipinos Overseas kasado na

Binigyan na ng Senate Committee on Rules ng ‘go signal’ ang pagdinig sa panukalang pagkakaroon ng panibagong sangay ng gobyerno kabilang ang Department of Filipinos Overseas.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, nagpasya ang Committee on Rules na ipagpatuloy ang mga pagdinig ng mga komite sa mga panukalang magtataguyod ng bagong mga kagawaran, kasabay ng panukalang rightsizing ng gobyerno.

“Magandang balita po ito mula sa ating Committee on Rules. Agad po nating ipagpapatuloy ang mga committee hearing sa mga panukalang magtataguyod ng departamento para sa ating mga OFW,” sabi ni Villanueva, chairman ng Senate committee on labor.

“Lumitaw po ngayong panahon ng pandemya ang kahinaan ng ating mga polisiya sa OFW, particular ang mga reintegration program para matulungan silang makapasok muli sa local labor force,” dagdag pa nito.

Sinusuportahan din ni Villanueva ang prinsipyo ng rightsizing dahil matagal na nitong itinutulak ang isyu ng mga unfilled position at contractual sa gobyerno.

“Gagawin po natin ang ating makakayanan para talakayin ang lahat ng mga usapin at pakinggan ang lahat ng panig sa Committee on Labor. Maaari pong ito maging modelo ng rightsizing done right,” sabi ng mambabatas.

Ayon sa senador, dapat makatulong ang panukalang Department of Filipinos Overseas sa pagpapabuti ng kapakanan ng mga OFW at kanilang pamilya at makapagbigay ng de-kalidad na trabaho dito man o sa ibang bansa, paliwanag ni Villanueva sa isang pahayag.

“Hindi lang po ito simpleng lipat-bahay na gawain dahil kailangan po natin itatag ang departamento na may malinaw na mandato at maglatag ng solusyon, hindi lamang sa mga isyu ng ating mga OFW, kundi sa pagsiguradong hindi kapit-sa-patalim ang paninilbihan sa ibang bansa,”dagdag ni Villanueva.

Pinasalamatan naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri si Villanueva sa patuloy niyang pagsulong sa usapin para sa kapakanan ng mga OFW.

“Senator Villanueva has found ways and means to push this discussion forward,” pahayag ni Zubiri sa pagdinig.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?