1,884

By

Pagdaong ng Chinese cruise ship, atras sa protesta sa Subic

Naging matagumpay ang isinagawang kilos protesta at naipahinto ang posibleng pagdaong ng M/V World Dream mula sa bansang China matapos itong pahintulutan ng pamunuan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) para i-tour ang pasahero nito sa loob ng Freeport Zone.

Dinaluhan nang may mahigit 200 na nagprotesta na binubuo ng iba’t ibang people organization sa pangunguna ng Batang Gapo Organization, local government unit sa pangunguna ni Mayor Rolen Paulino Jr., mga kapitan sa 17 barangay ng lungsod , at ilang mamamayan dito.

Ang nasabing kilos-protesta ay para tutulan ang desisyon ng pamunuan ng SBMA sa pagpayag nilang dumaong ang barko na may pasaherong higit 800 at karamihan ay mga Chinese national.

Kaugnay nito, tumaas ang alarma ng mga taga-Olongapo, probinsya ng Zambales at Bataan dahil rin sa mainit na isyu dahil sa coronavirus na epidemyang nagmula sa bansang China.

Umaga pa lamang ng Martes ay agad na pinadalahan ng sulat ni Paulino Jr. si SBMA Chairman and Administrator Wilma Esima na nagsasaad ng pagtutol sa pagdaong ng nasabing barko at kinahapunan ay nagpadala rin si Subic, Zambales Mayor Jonathan Khonghun ng pagtutol dito dahil na rin sa posibleng makahawa sa mamayan sakali bumaba ang mga pasahero nito.

Nitong hapon ng Martes lamang ay agad na sinabi ni Eisma na nakansela na ang pagtungo dito ng barko matapos siyang makipagpulong sa may-ari nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?