75

Oct 29, 2017 @ 13:54

Pagdami ng premature births, pinabubusisi ni Nancy

Nais ni Senadora Nancy Binay na alamin ng Senado kung bakit dumarami ang preterm o premature birth o ipinanganak nang wala sa panahon.

Inihain nito ang Senate Resolution No. 520 kung saan tinukoy ang ulat ng World Health Organization (WHO) na kabilang ang Pilipinas sa Top 10 ng ma bansang may pinakamataas na bilang ng preterm births.

Ang preterm o premature births ay tumutukoy sa mga sanggol na ipinanganak nang buhay bago umabot ng 37 linggo sa sinapupunan.

Ayon kay Binay, sinabi ng WHO na noong taong 2010 naitala sa Pilipinas ang 348,900 preterm birth cases.

Nagkaroon naman ng Circular 2017-2009 ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) kung saan sinabing hindi nakamit ang 2015 target na 2/3 na pagbaba ng bilang ng mga sanggol na namamatay.

Tinukoy din sa circular na ang premature na pagluluwal ang sanhi sa pagkamatay ng 62 porsyento ng mga sanggol na namamatay kada taon, katumbas ito ng 20,000 sanggol bawat taon.

Ayon kay Binay, kailangang kumilos ang gobyerno para sa kapakanan at kalusugan ng mga sanggol at kanilang mga ina.

Ito ay pagtugon din sa mithiin ng WHO na ibaba ng 50 porsyento ang dami ng preterm births.

“It is the duty of the Senate by policy or by law, to meet or go beyond the WHO target of reducing preterm births in the country by 2025,” pahayag ni Binay. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?