61

By

Pagdalo sa budget insertion hearing, bahala na si Diokno – Palasyo

Ipinauubaya na ng Malacañang kay Budget Secretary Benjamin Diokno ang pagpapasya kung haharap sa pagdinig sa Kamara matapos maisyuhan ng show cause order ng House Appropriations Committee.

May kinalaman ito sa isyu pa rin ng hindi naipapasang pambansang budget para ngayong 2019.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hihintayin nila ang magiging tugon ni Diokno sa inilabas na show cause ng komite sa Kamara na may kaakibat na bantang ipapa-contempt ito kapag nagmatigas muli na humarap.

“That is the call of Secretary Diokno. We will wait for his response. I will ask him kung ano ang posisyon niya on that matter,” ani Panelo.

Matatandaang binilinan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Diokno na huwag humarap muli sa Kamara kapag ipinatawag ito matapos bastusin umano ito sa unang pagdalo nito sa Congress Hour noong Disyembre dahil sa isyu ng budget insertion.

Hindi naman minasama ng Malacañang ang pag-iisyu ng show cause order ng Kamara kay Diokno dahil trabaho aniya ito ng mambabatas.

Pero sinabi ni Panelo na ibang usapan na aniya kung inaabuso na ng mga mambabatas ang kanilang mandato.

“That’s part of the duty of the Congress, unless there’s an abuse of the exercise . Unang-una bakit nga pala may show cause? Nag-decline na ba siya? Baka naman premature yung show cause,” dagdag pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?