47
views

By

PAGCOR, nagpaliwanag sa inisyung lisensiya sa casino sa Bora

Sharing is caring!

Nagpaliwanag ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) kaugnay sa provisional license na inisyu nito para sa pag-o-operate ng casino sa Boracay.

Sa isang statement, tinukoy ng PAGCOR na ang lisensiya ay ipinagkaloob sa Boracay Philippines Resort and Leisure Corporation (BPRLC), habang ang Galaxy Entertainment Group (GEG) ang mangangasiwa sa pagtatayo at pag-o-operate ng resort at casino project.

Ang lisensiya ay iniaplay umano ng AB Leisure Global Incorporated (AGBI) noong Agosto 3, 2017.

Natanggap umano ng PAGCOR ang Letter of Intent na may kalakip na Certificate of No Objection mula sa lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan.

Noon namang Enero 9, 2018, nalagdaan ang Deed of Assignment sa pagitan ng AGBI at BPRLC.

Paliwanag ng PAGCOR, napaboran nila ang aplikasyon ng BPRLC dahil ang Boracay ay nasa ilalim ng Greenfield zone category na tumutukoy sa mga lugar sa probinsya, lungsod o bayan na may mataas na potensyal para sa turismo na walang nag-o-operate na casino.

Nakatalima rin umano ang BPRLC sa mga paunang documentay requirement kasama na ang Certificate of No Objection at minimum investment commitment na hindi bababa sa $300 million.

Pero paglilinaw ng PAGCOR, ang provisional license ay simula pa lamang ng napakahaba at mabusising proseso ng compliance na kinakailangang pagdaanan ng bawat integrated-resort operator bago sila isyuhan ng PAGCOR ng Notice to Commence Casino Operations at kalaunan ay ng regular casino gaming license.

Kinakailangan pa rin umanong magsumite ang BPRLC ng proof of ownership o upa sa lupang pagtatayuan ng casino-resort, detalyadong Project Implementation and Development Plan, escrow account, performance assurance, surety bond, financial statement at iba pang documentary requirements.

Dagdag pa ng PAGCOR, itinigil na nila ang pagtanggap at pag-evaluate sa mga aplikasyon para sa integrated resort casino matapos magpatupad si Pangulong Rodrigo Duterte ng moratorium sa mga bagong casino simula noong Enero 13, 2018.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?