63

Oct 23, 2019 @ 20:03
By

Pagcor ginamit! 2 swak sa estafa

Arestado ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang indibidwal sa entrapment operation sa Malabon City nitong Oktubre 18.

Kinilala ang mga suspek na si Joshua Lua Garcia at Elizabeth Torres Camasis na matagal na umanong ginagamit ang ilang institusyon tulad ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce at Philippine Amusement Gaming Corporation (Pagcor) para mambiktima ng mga lokal na negosyante.

Batay sa reklamo, ang unang transaksyon ay nangyari noong Setyembre 27 sa kustomer na kinilalang si Michael Tan na umorder umano ng 59 na sikat na alak na nagkakahalaga ng P486,480.

Sa Terminal 3 storage dinampot ni Tan ang mga na-order na alak at binayaran ito sa pamamagitan ng tseke.

Ang tseke ay napaulat na dineposito sa PNB Terminal 2 Branch, subalit sinabi ng bangko na outdated ang tseke at kinakailangan itong palitan ng China Bank.

Sa sumunod na transaksyon ng mga suspek ay minabuti ng NBI na maglagay ng GPS tracker sa mga kahon na ide-deliver sa mga customer.

Isang van ang dumating para i-pick-up ang mga kahon at kunin ang bayad. Nang matapos ang transaksyon, sinundan ng mga operatiba ang delivery van at nang makarating sa Lapu-lapu St. sa Malabon City ay agad na inaresto ng NBI ang mga suspek.

Nakumpiska kay Torres ang ilang managers check at blank check.

Sa ngayon ay iniharap na ang mga suspek sa Inquest proceeding sa Office of the City Prosecutors sa Manila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?