21

Apr 22, 2021 @ 18:33
By

Pagbusal sa mga opisyal ng NTF-ELCAC pinaubaya kay Lorenzana

Dumistansiya ang Malacañang sa hirit ng ilang grupo na kastiguhin o kaya ay pagsabihang manahimik ang ilang opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na umano’y nag-red tagged sa mga organizer ng community pantry sa Quezon City.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ipapaubaya nila kay Defense Secretary Delfin Lorenzana ang isyu tungkol kay Lt. Gen. Antonio Parlade jr. na siyang spokesman ng NTF-ELCAC .

Mayroon aniyang tamang channel para makarating kay Parlade ang mga obserbasyon ng ilang opisyal kaugnay sa umano’y red-tagging na ginawa nito sa organizers ng community pantry.

“Siguro po kakausapin namin ni Secretary Año si Secretary Delfin Lorenzana, because that is the proper chain of command. General Parlade reports to Secretary Lorenzana,” ani Roque.

Hindi naman aniya sikreto na may mga pagkakataong napagsasabihan ni Lorenzana si Parlade kaya hintayin na lamang ang magiging aksiyon dito ng kalihim.

Bukod kay Parlade ay kasama rin umanong nagsasalita ang PCOO Undersecretary for New Media na opisyal din ng NTF-ELCAC na si Lorraine Badoy laban sa mga organizer ng community pantry at nanindigang may koneksiyon umano ang mga ito sa kilusang komunista.

Sinabi ni Roque na nagbigay na ng posisyon ang Malacañang sa mga community pantry at sinusuportahan nila ito lalo na at nakakatulong sa mga mahihirap sa panahon ng pandemya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?