168

Oct 30, 2017 @ 18:20

Pagbukas ng bank accounts ni Corona, kinatigan ng Sandiganbayan

Pinagbigyan ng Sandiganbayan Second Division ang mosyon ng prosekusyon na mabuksan ang mga bank accounts at transaksiyon ng namayapang si Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona sa kinakaharap nitong forfeiture case kaugnay ng umano’y ill-gotten wealth nito.

Nais ng prosekusyon na kunin ang bank documents sa Allied Banking Corp., Land Bank of the Philippines, PS Bank Center at Deutsche Bank AG of Manila.

Matatandaang hinarang ni Corona at ng kanyang misis na si Cristina ang hiling ng prosekusyon at noong Abril 28, 2016 ay pinagbigyan ang kahilingan ng mag-asawa na ipawalang-bisa ang ipinalabas nitong subpoena duces tecum ad testificandum.

Ayon sa korte, posibleng magkaroon ng paglabag sa Bank Secrecy Law ang pagpapakuha sa mga dokumento at sinabi sa resolusyon na hindi ito magpapagamit na ‘fishing tool’.

Naghain ng motion for reconsideration ang prosekusyon at sinabi na kailangan ang subpoena sa paghahanda ng mga ihaharap nitong ebidensiya at testigo sa kaso.

Pinagbigyan ng korte ang prosekusyon at binaliktad ang desisyon nito noong Abril.

“After a careful study, the Court finds merit in granting a reconsideration of the Resolution of April 28, 2016. Bank deposits can be inquired into upon order of this Court if said deposits are the subject of litigation, like in this case,” saad ng korte.

Inihain ang forfeiture case laban sa mag-asawang Corona noong Marso 2014 kaugnay ng mga iligal na yaman umano nito na umaabot sa P160.96 milyon.

Si Corona ay naalis sa puwesto matapos na mapatunayan ng Impeachment Court na siya ay guilty sa pagtatago ng yaman. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?