17

Feb 15, 2021 @ 11:24
By

Pagbubukas ng sinehan pinagpaliban ng NCR mayors

Pinagpasyahan ng mga alkalde ng National Capital Region na huwag munang ipatupad ang muling pagbubukas ng mga sinehan sa rehiyon.

Nag-aalangan kasi ang mga alkalde sa nasabing pasya ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases gayong may banta pa rin ng pagkalat ng COVID-19.

Dapat magsisimula na ngayong araw ang nasabing balik-operasyon.

“’Yung cinema po ang main concern namin ng Metro Manila Council. Pumayag naman po ang ating economic team ng IATF na i-defer yung implementation ng pagbubukas ng cinema,” wika sa Teleradyo ni Parañaque mayor at Metro Manila Council (MMC) chairperson Edwin Olivarez, Lunes.

“Alam naman natin sa cinema, enclosed ‘yan, tatlong oras sa air-conditioned [area]. Questionable po ‘yung ventilation. ‘Yan po yung apprehension ng ating LGUs (local government units) sa Metro Manila,” lahad pa niya.

Ayon kay Olivarez, makikipagpulong ang MMC sa economic team ng IATF sa Miyerkoles para pag-usapan ang desisyon ng huli na payagan ang balik-operasyon ng mga sinehan, arcade, parke, museo, at iba pang gusali para sa pagpapanumbalik ng ekonomiya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?