137

Aug 4, 2021 @ 14:29
By

Pagbili at pagbenta ng AK-47 sa mga komunista pinasisiyasat ni Bato

Kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte, naghain si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ng isang resolusyon na naglalayong imbestigahan ang importasyon at diumano’y pagbenta ng AK-47 rifles sa mga rebeldeng komunista.

“The sale of these rifles to NPA (New People’s Army) rebels with the aid of unscrupulous law enforcement agents and government employees is alarming,” sabi ni Dela Rosa sa Senate Resolution No. 811.

“Despite the pendency of graft and corrupt criminal cases against alleged perpetrators, there is a need to determine the means and method exploited that enabled private individuals and corporations to sell firearms to the communist-terrorist group,” dagdag nito.

Layunin din ng imbestigasyon na suriin at palakasin ang mga batas at polisiya sa pag-isyu ng firearm license at permit.

Sa huling State of the Nation Address (Sona) noong Hulyo 26, inatasan ni Duterte si Dela Rosa na tingan ang diumano’y iligal na importasyon ng AK-47 rifle na ibibenta diumano sa mga rebelde.

Pinangalan pa ni Duterte ang isang police colonel na diumano’y sangkot sa importasyon at pagbenta ng nasabing mga armas.

Sa resolusyon ni Dela Rosa, sinabi nitong isang Isidro Lozada, may-ari ng Carage Security Agency, ang nag-angkat at nagrehistro ng mahigit 1,000 AK-47 rifle sa PNP sa kabila ng iregularidad sa aplikasyon ng permit at lisensiya.

Gumamit umano si Lozada ng maraming pangalan ng korporasyon para maayos ang pagbili at pagpaparehistro ng naturang mga armas.

Sabi pa ni Dela Rosa, 44 sa mahigit 1,000 AK rifle ang narekober ng militar sa pakikipag-engkwentro sa mga rebelded sa Caraga region at Western Mindanao region.

Nagsampa na ang Office of Ombudsman ng kasong falsification of public documents at graft sa ilang mga indbidwal, kabilang ang mga opisyal ng kapulisan. May ilang mga pulis na rin na sangkot sa anomalya ang sinibak sa serbisyo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?