197

Mar 19, 2018 @ 14:27
By

Pagbibitiw ni Aguirre, overhaul ng DOJ iginiit ni Hontiveros

Isinulong ni Senadora Risa Hontiveros na isailalim sa overhaul ang Department of Justice (DOJ) umpisa kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre.

Diin ng senadora buhat sa oposisyon, hanggang nasa DOJ si Aguirre, maituturing na huwad at one-sided ang war on drugs ng Duterte administration.

Naging personal na kusina umano ni Aguirre ang DOJ dahil ginawang lutuan ng fake news at fake cases laban sa oposisyon.

Bunsod aniya ito sa pag-absuwelto ng DOJ sa mga mamamatay tao, mga drug dealer at big-time plunderer.

Tinutukoy ni Hontiveros ang mga drug dealer na kinabibilangan nina Kerwin Espinosa at Peter Lim at plunderer umano na si Janet Lim Napoles na gustong gawing testigo ng DOJ.

Sinabi ni Hontiveros na desperatong PR move lang ang sinasabing nasuntok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pader sa galit sa pagbasura ng kaso laban sa drug lords.

Kung totoong galit ang Pangulo, dapat ay ibangon nito ang sistema ng hustisya na pinabagsak umano ni Aguirre.

Nu’ng nakaraang taon pa pinagbibitiw ni Hontiveros si Aguirre dahil nakipagkuntsabahan umano sa pagpaplano ng kasong kidnapping laban sa senadora at dahil siniraan din umano sa DOJ ang mga testigo sa pagpaslang sa Caloocan City sa menor de edad na drug suspect na si Kian delos Santos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?