42

Sep 15, 2021 @ 17:11
By

Pagbibigay ng Pinoy citizenship sa misis ni Jaime Augusto Zobel de Ayala umusad na

Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang panukala na bigyan ng Filipino citizenship si Elizabeth Eder Zobel de Ayala, ang may-bahay ng negosyanteng si Jaime Augusto Zobel de Ayala.

Ang House Bill 9376 ay inaprubahan sa pamamagitan ng voice voting sa sesyon ng plenaryo ngayong Miyerkoles.

Walang tumutol sa pagpasa ng panukala na akda ni House Majority Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez.

Sinabi ni Romualdez na 34 na taon nang naninirahan sa bansa si Elizabeth, mahigit kalahati ng kanyang buhay.

Ayon kay Romualdez tumulong si Elizabeth sa pagtatayo ng Teach for the Philippines, Museo Pambata at Sa Aklat Sisikat Foundation upang mapataas ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Sa kanyang kapasidad bilang opisyal ng Friendly Care Foundation at Forum for Family Planning and Development, sinabi ni Romualdez na tumulong si Elizabeth na maisabatas ang Reproductive Health Bill.

“With all these contributions to our beloved homeland and to the rest of the world, I believe that it is high time that we bestow to Elizabeth Eder Zobel de Ayala the distinction of being formally recognized as a Filipino citizen,” sabi ni Romualdez.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?