44

Sep 10, 2021 @ 16:15
By

Pagbibigay ng hazard pay sa poll workers tinabla ng DBM

Hindi pinagbigyan ng Department of Budget and Management (DBM) ang hiling ng Commission on Elections (Comelec) na bigyan ng hazard pay ang mga guro at iba pang indibidwal na magsisilbi sa mga election precinct sa May 2022 elections.

Sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations ngayong Biyernes, muling umapela si ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa Comelec na magbigay ng hazard pay sa mga Board of Election Inspectors (BEIs).

“Dagdag ko na lang po doon sa hinihiling natin para sa mga BEIs, sana ma-consider din po ‘yung service risk allowance din dahil ito po ay pandemya, dapat ma-consider din ‘yung katumbas na SRA (special risk allowance) ng health workers o tinatawag nating hazard pay during the day at saka ‘yung service credits, nasa batas po minimum of five days ang service credits… sana madagdagan,” sabi ni Castro.

Sagot naman ni Comelec chairman Sheriff Abas, titignan nila kung maaaring madagdagan ang limang araw na service credit na ibinibigay sa mga guro. Ang service credit ay magagamit ng guro kapag siya ay umabsent para hindi mabawasan ang kanyang sweldo.

“So as to hazard pay po, we asked that to DBM (Department of Budget and Management), unfortunately hindi nabigay ‘yung hazard pay. So sa ngayon sa budget namin ngayon, hindi kasama ang hazard pay,” dagdag pa ni Abas.

Ayon kay Abas, hindi pa tapos ang isinasagawang komputasyon ng Comelec kung magkano ang ibibigay na honorarium sa mga guro pero batay sa kanilang inisyal na kalkulasyon ay maaaring madagdagan ito ng P2,000.

Ang Comelec ay binigyan ng P26.7 bilyong pondo sa ilalim ng 2022 National Expenditure Program (NEP).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?