40

Sep 8, 2021 @ 15:19
By

Pagbawi sa GCQ itinuro sa tanong ng mga alkalde

Ipinaliwanag ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 spokesperson Restituto Padilla na binawi ang paglipat sa NCR sa general community quarantine (GCQ) dahil malabo pa sa mga alkalde ng rehiyon ang magiging implementing guidelines nito.

Nagkalituhan ang mga taga-NCR Martes ng gabi nang biglang bawiin ang unang inanunsyong GCQ sa Metro Manila simula Setyembre 8, at sa halip ay pinanatili ang modified enhanced community quarantine.

“Yung atin pong guidelines na inaantay ay hindi pa po handa, at hindi pa po naipapamahagi sa lahat ng mga mag-iimplement. At nagkaroon pa rin po meeting kahapon, ang ugnayan na ‘to ay kasama po ang mga Metro Manila mayors, at marami rin pong lumabas na mga katanungan doon na maaaring hindi pa rin po naging bahagi ng mga nakalatag o nakahandang guidelines na kinakailangan palawagin,” pahayag ni Padilla.

Isa rin sa tinitingnan niyang dahila sa pagbawi sa GCQ ay ang hiling ng mga health workers sa mas istriktong quarantine classification.

“Kasama na rin po siguro ang panawagan ng ibang mga health workers natin na medyo idelay pa po ng kaunti, may panawagan yung iba na i-delay nang two weeks,” aniya.

Ngunit malaking dahilan pa rin umano ang katanungan ng mga alkalde ng NCR sa magiging guidelines ng GCQ.

“Pero yung pinakamalaking bahagi po kasi niyan ay yung lumalabas na pangangailangan na mas palawigin pa yung guidelines nang sa ganoon, sakop na po lahat ng mga katanungan nung mga Metro Manila mayors at iba pang mga parties na naglabas po ng katanungan at clarification,” dugtong pa ni Padilla.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?