228

Oct 17, 2017 @ 18:13

Pagbawi ng martial law sa Marawi, masyado pang maaga

Lubha pa umanong maaga upang agad na magpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na ipawalang-bisa ang umiiral na martial law sa buong Mindanao kasunod ng pagtatapos ng digmaan sa Marawi City.

Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, wala naman siyang nakikitang problema sakaling bawiin ng Pangulo ang martial law sa rehiyon na epektibo pa hanggang sa Disyembre.

Gayunman, may ilang bagay pa aniya na dapat ikonsidera bago tuluyang i-lift ang martial law sa buong rehiyon tulad ng katiyakan kung talagang tapos na at wala nang banta ng terorismo sa Mindanao.

“Sinabi naman ni Presidente na kapag tapos na tapos na ang siege ng Marawi then he is going to lift martial law in Mindanao. Okay lang ‘yun,” ayon pa sa Kalihim.

Dagdag ni Aguirre, kumpiyansa siyang hindi mag-aatubili ang Pangulo na putulin ang martial rule sa Mindanao kung wala itong matatanggap na negatibong impormasyon mula sa intelligence community.

Sinabi rin ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na kailangan pa nilang pag-aralan ang sitwasyon sa Mindanao bago nila irekomenda sa Pangulo na alisin ang martial law.

Matatandaang inaprubahan ng Kongreso ang deklarasyon ni Pangulong Duterte na martial law sa Mindanao hanggang Disyembre matapos atakihin ng Maute group ang Marawi City noong Mayo 23 sa pagnanais na ibagsak ang administrasyong Duterte at gawing malaya ang Mindanao mula sa pamamahala ng gobyerno. (Ma. Isabel Billones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?