28

By

Pagbasura sa impeachment kontra 7 SC justice, malabong mabaligtad – Leachon

Kumpiyansa ang chairman ng House justice committee na pagtitibayin ng mayorya ng mga miyembro ng Kamara ang pagbasura sa reklamong impeachment laban sa pitong mahistrado ng Korte Suprema.

Ayon kay Oriental Mindoro Rep. Salvador ‘Doy’ Leachon, wala siyang nakikitang dahilan para baligtarin ng plenaryo ang rekumendasyon ng kanyang komite na ibasura ang consolidated impeachment complaint laban kina Chief Justice Teresita Leonardo de Castro, Associate Justices Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Noel Tijam, Andres Reyes Jr. at Alexander Gesmundo dahil sa ‘insufficiency in substance’.

Pero sinabi ni Leachon na baka pagbalik pa ng sesyon ng Kongreso matapos ang Halloween break maaksyunan ng plenaryo ang tuluyang pagbasura sa nasabing impeachment.

Hihilingin daw niya kay House Majroity Leader Rolando Andaya na agad maisama sa Order of Business ang committee report pagkatapos makalap ang lahat nang pirma ng mga miyembro ng komite.

“The committee report is still being circulated for signature of voting members. That’s why we can’t still set with Congressman Nonoy Andaya for plenary schedule,” ani Leachon.

Mag-uumpisa ang session break sa October 13 at muling babalik sa November 12.

Matatandaang, ibinasura ng justice committee ng Kamara sa botong 23 ang impeachment complaint makaraang hindi pumasa sa sufficiency in substance.

Ang reklamo ay inihain nina Albay Rep. Edcel Lagman, Ifugao Rep. Teddy Baguilat Jr., Magdalo party-list Rep. Gary Alejano at Akbayan partylist Rep. Tom Villarin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?