21

Jul 19, 2021 @ 18:44
By

Pagbasura ng terror case vs 2 Aeta ikinatuwa ng Bayan Muna

Ikinatuwa ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat ang pagbasura ng Olongapo City Regional Trial Court sa terrorism case na isinampa ng gobyerno laban sa dalawang Aeta na hinuli noong nakaraang taon.

Ayon kay Cullamat, sina Japer Gurung at Junior Ramos ang unang kinasuhan ng paglabag sa kontrobersyal na Anti-Terrorism Act of 2020.

“Nakita ng korte na masyadong contradictory ang pahayag ng mga militar hinggil sa umano’y teroristang gawain ng dalawang minorya. Gayundin, hindi rin tugma ang kanilang mga pahayag hinggil sa pagkakakilanlan ng dalawang Aeta. Samakatuwid, hindi kilala ng mga militar ang mga nakalaban nilang rebelde; nanghula lamang sila at idinawit bigla sila Gurung, Ramos at ang mga pamilya nila na noon ay palikas na,” sabi ni Cullamat.

Inaresto ang dalawa at inakusahan na kasama sa grupo ng mga rebelde na nakipagbarilan sa 73rd Division Reconnaissance Company ng Philippine Army- 7th Infantry Division (7ID) sa Barangay Buhawen sa San Marcelino, Zambales noong Agosto 21, 2020.

Ayon sa dalawa, sila ay tumatakas lamang upang hindi maipit sa palitan ng putok. Sila ay tinortyur din umano ng mga sundalo upang umamin na mga rebelde. Itinanggi ng militar ang paratang.

“Kitang-kita sa kasong ito kung paano ginagamit ng estado ang Terror Law sa paglabag sa karapatan ng mga katutubo, at kung papaano sila mabilisang pinaratangang terorista. Patunay ito na mapanganib ang Anti-Terror Law, sapagkat ang magiging biktima lamang lagi ay ang pinakabulnerableng grupo na mga katutubo, lalo na yaong mga lumalaban para sa lupaing ninuno at karapatan para sa sariling pagpapasya,” dagdag pa ni Cullamat.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?