Pagbasa ng sakdal kina Aquino, Binay pinagpaliban

Sharing is caring!

Ipinagpaliban ang dapat sana’y pagbasa ng sakdal kay dating Pangulong Benigo Aquino III sa Sandiganbayan sa kinakaharap nitong kaso kaugnay sa Mamasapano incident noong 2015.

Sa desisyon ng Sandiganbayan 4th division, kinansela muna ang arraignment dahil sa inihaing motion to quash ng kampo ni Aquino na layong ipa-dismiss ang mga kaso laban sa dating pangulo.

Hindi na dumating si Aquino sa Sandiganbayan, sa halip ay ang abogado na lang niya ang sumipot na si Atty. Romeo Fernandez.

Ayon sa kanyang abogado, laman ng kanilang mosyon ang kanilang paninindigan na hindi sapat ang mga alegasyon laban kay Aquino para mapanagot ito sa mga kaso.

Binigyan naman ng korte ang prosekusyon ng 10 araw para magkomento at itinakda ang tentative date ng arraignment muli sa Pebrero 15.

Kapwa akusado ni Aquino sa kaso sa Sandiganbayan sina dating PNP chief Alan Purisima at dating SAF director Getulio Napeñas.

Samantala, dumating naman sa Sandiganbayan third division si dating Vice President Jejomar Binay para sa hiwalay na arraignment sa iba pang kaso ngunit hindi rin natuloy dahil mayroon din itong nakabinbing mosyon na layon ding ipa-dismiss ang mga kaso laban sa kanya.

Nakasuhan ng patong-patong na kaso si Binay ng graft, falsification of public documents, at malversation kaugnay sa maanomalyang pagpapagawa ng Makati City car park building mula 2007 hanggang 2013.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?