144

By

Pagbangga ng Chinese vessel sa Filipino boat, posibleng maungkat sa ASEAN – Lorenzana

Kabilang sa mga balak ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na talakayin sa kanyang pagdalo sa ASEAN Defense Ministers Meeting sa susunod na dalawang Linggo ang sinapit ng 22 mangingisdang Pinoy na binangga umano ng Chinese vessel sa Recto Bank noong isang linggo.

Sa isang media forum sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Lorenzana na malaki ang posibilidad na pag-usapan nila ng kanyang counterpart sa Vietnam at iba pang claimant country sa West Philippine Sea ang insidente a Recto Bank.

Idaraos ang ASEAN Defense Ministers Meeting sa Bangkok, Thailand sa Hulyo.

Ibinunyag din ng kalihim na napagkasunduan nila sa Cabinet cluster meeting na isa o dalawang opisyal ng pamahalaan ang magsasalita sa isyu para hindi magkagulo at magkaroon ng kalituhan.

Tinukoy niya sina Presidential Spokesman Salvador Panelo at Cabinet Sec. Karlo Nograles na may awtoridad para magsalita sa nasabing usapin.
.
Idinagdag ng kalihim na may mga bago umanong ebidensya sa nasabing usapin batay na rin sa salaysay ng mga tripulanteng Pinoy ng F/B GemVer 1 kaugnay sa tunay na nangyari sa insidente.

Gayunman, tiniyak ng kalihim na patuloy niyang kinokondena ang pag-abandona at hindi pagsaklolo ng mga sakay ng Chinese vessel sa mga mangingisda.

Sinuportahan din niya ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang maritime incident lang ang nangyari sa Recto Bank.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?