40

Sep 13, 2021 @ 15:36
By

Pagbanat ni Duterte sa mga senador, dinepensa ng Malacañang

Ipinagtanggol ng Malacañang ang ginagawang pagbanat at pagpapalutang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y mga “baho” ng mga senador na nag-iimbestiga sa mga opisyal ng gabinete kaugnay sa isyu ng mga biniling medical equipment para sa COVID-19.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mahalagang maipagtanggol ng Pangulo ang mga opisyal ng gobyerno na sinisira sa publiko sa pamamagitan ng ginagawang imbestigasyon kahit wala namang napapatunayan ang mga senador.

“Importanteng panindigan ng Presidente ang mga taong gobyerno lalong-lalo na kung sa tingin niya ay wala namang pagkakasalang nagawa,” ani Roque.

Hinamon ng kalihim ang mga nag-aakusa ng katiwalian sa mga opisyal sa ehekutibo na kasuhan ang mga ito sa Ombudsman o sa korte gaya ng nangyari sa pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.

“Kung meron talagang korapsiyon dito, sampahan na lang ng kaso at hayaang ang Ombudsman ang magdesisyon dahil kapag mayroong ebidensiya, masasampahan ‘yan ng kaso gaya ng mga nangyari sa ibang tao na mayroon talagang involvement sa pandarambong gaya ni Mrs. Napoles,” dagdag ni Roque.

Pinuna ng ilang grupo ang mga banat ng Pangulo na umano’y nag-uubos ng panahon para kalkalin ang mga puwedeng ibato sa mga senador na mainit sa mga opisyal ng Department of Health at Department of Budget and Management sa halip na gugulin ito sa pagtugon at paglutas sa problema sa COVID-19.

Sinabi ni Roque na hindi tumitigil ang gobyerno sa mga ipnatutupad na hakbang para malabanan ang COVID-19, patunay dito ang maramihang pagbabakuna para sa dagdag na proteksiyon ng mamamayan.

“Walang hupa ang ating COVID response. Nakikita naman po pataas nang pataas ang mga nababakunahan at sa Metro Manila ay nasa 60% na tayo ng nabakunahan ng second dose,” wika ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?