pcos-machine
By

Pagbago sa sistema ng automated elections, ipauubaya sa Kongreso

Sharing is caring!

Sa gitna ng panibagong kontrobersiya na ipinupukol sa naganap na 2016 elections, ipinaliwanag ng isang commissioner ng Commission on Elections (COMELEC) ang batayan ng muling pagkuha sa mga makina ng Smartmatic para sa 2019 elections.

Sa kanyang twitter account, iginiit ni Commissioner Rowena Guanzon na wala nang pondo ang Comelec para sa mga bagong makina kaya bumoto siya na bilhin ang mga vote counting machine (VCM) na ginamit noong 2016 sa halagang P2.1 billion.

Kasabay nito, nanindigan si Guanzon na hindi minadali ng Comelec ang pagpapasya na bilhin ang mga makina.

Katunayan, dumaan umano sa serye ng pagpupulong ang Comelec En Banc bago napagpasyahan na gamitin ang “option to purchase” sa kontrata na kanilang pinasok sa Smartmatic noong 2016.

Tinukoy pa ni Guanzon na ipinauubaya nila sa Kongreso ang pagbabago sa sistema ng automated elections.

Aniya, maari namang isulong ang manu-manong pagboto pero electronic ang transmission ng resulta o di kaya ay maari rin palitan ang mga makina nang may bagong security feature.

Para rin kay Guanzon, seryoso ang paratang ni Senador Tito Sotto kaugnay sa umano’y iregularidad noong 2016 elections.

Nakahanda umano ang Comelec na imbestigahan ang anomalya kung makukuha nila ang impormasyong hawak ni Sotto.

Una nang isiniwalat ni Sotto na base sa kanyang impormante, isang araw bago ang May 9, 2016 Elections, may mga boto nang nai-transmit mula sa Libon, Albay at Angono, Rizal.

Napasok din umano ng isang server mula sa Amerika ang local election server sa Pilipinas bago, habang idinaraos ang eleksyon at matapos ang botohan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?